Bagong Judy Ann Santos-Agoncillo ang mapapanood ng sambayanang Pilipino sa pinaka-aabangang kiddie cooking reality show na “Junior MasterChef Pinoy Edition.”
Sa unang pagkakataon sa kaniyang career, sasabak sa hosting ang tinaguriang Reyna ng Pinoy Soap Opera para manguna sa paghahanap sa pinakamahusay na batang kusinero sa Pilipinas.
Makakasama ni Judy Ann, o Juday sa kaniyang mga kaibigan at tagahanga, ang mga kapita-pitagang chef na sina Fernando “Ferns” Aracama, Rolando “Lau” Laudico, at JP “Jayps” Anglo sa pinakabagong reality franchise hatid ng grupong nagbigay sa inyo ng “Pinoy Big Brother,” “Pinoy Dream Academy,” at “Biggest Loser Pinoy Edition.”
Sila ang gagabay sa mga batang chef at huhusga sa mga lutuing ilalaban nila para maging unang Pinoy Junior MasterChef, na mananalo ng culinary scholarship at P1 milyong piso.
Kuwento ni Juday, halos maluha siya nang unang mag-taping dahil siya mismo ay tagahanga ng mga naunang edisyon ng Junior MasterChef sa United Kingdom at Australia.
Bukod sa namangha siya sa ganda ng kanilang set, nakadama rin daw siya ng kaba dahil bagong larangan ang pinapasok niya.
“Kailangang karirin ko ang programa nang bonggang-bongga para naman hindi masayang ang tiwala na ibinigay sa akin ng ABS sa malaking proyektong ito. Hindi ko naman liga ang paghohost pero willing naman akong matuto,” aniya.
Pero kung si ABS-CBN Business Unit Head Laurenti Dyogi ang tatanungin, nahigitan pa ni Juday ang kanilang inaasahan dahil sa ipinakita niyang natural na galing sa pakikitungo sa mga bata at sa mga kasamang Chefs.
“Siya ang perpektong host para sa Junior MasterChef. Dito lumalabas ‘yung pagmamahal niya sa pagluluto at sa mga bata. Noong una may kaba siya pero habang tumatagal makikita mong nag-eenjoy siya at kung paano siya nagiging inspirasyon sa mga batang chef,” aniya.
Ayon pa kay Juday, ni hindi raw niyang kailangang umarte dahil tuwing kaharap niya ang mga bata ay damang-dama niya ang pagiging ina.
“Puso ang puhunan ng show na ito. Sobrang cute at smart ng mga bata, hindi mo maiwasang magkaroon ng connection sa kanila. Pero bilang host at nanay nila sa programa, ako ‘yung magbabalanse ng emotions nila. Ayaw naming makasakit ng damdamin pero kailangan maging totoo kami sa kanila kung masarap ‘yung gawa nila o hindi. Dapat may panalo kang words of encouragement,” kuwento niya.
Aniya’y naroon naman siya at sina Chef Ferns, Lau, at Jayps para tulungan ang mga batang mas gumaling pa sa pagluluto. Bukod sa pagiging mga premyadong chefs, may-ari rin ng kani-kaniyang restaurant ang tatlo kaya siguradong marami matutunan sa kanila ang mga bata.
Inaasahan ng ABS-CBN na magugustuhan ng manonood ang kakaibang timpla ng “Junior MasterChef Pinoy Edition,” gaya na lang ng pagtangkilik ng buong mundo sa iba pang edisyon ng MasterChef.
“Madalas ang reality shows natin ay naghahanap ng magaling na mang-aawit, mga performers. Dito naman makikita natin ang mga mahuhusay na batang nagluluto para sa kanilang pamilya. Kasama nila tayo sa pagbabago ng buhay nila at tutulungan natin silang abutin ang kanilang pangarap sa pagluluto,” ani Direk.
Abangan ang unang tikim sa reality show na magpapangiti, magpapaiyak, magpapatakam, at magpapabilib sa manonood, bata man o matanda, mahilig man magluto o kumain. Panoorin ang “Appetizer: The Junior MasterChef Pinoy Edition Primer” sa Agosto 20. Sisimulan naman ang pagsasala sa Top 60 na batang bida sa kusina sa premier ng “Junior MasterChef Pinoy Edition” sa Agosto 27 sa ABS-CBN. Maging updated sa programa, i-like ang http://www.facebook.com/jrmasterchef sa Facebook, o sundan ang @jrmasterchef_ph.
No comments:
Post a Comment